SA kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa ay na-impeached ang Vice President. Hindi na bago ang impeachment sa bansa sapagkat may mga pinuno na rin na-impeached gaya ni dating President Joseph Estrada, Supreme Court Chief Justices Renato Corona at Ma. Lourdes Sereno. Na-impeached si Estrada noong 2000. Si Corona ay noong 2007 at si Sereno noong 2014.
Na-impeached si Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5 nang makakalap nang sapat na bilang ng mga mambabatas at agad dinala sa Senado ng araw ding iyon. Sa kabuuan, 240 mambabatas ang bumoto para patalsikin si Sara. Nanguna sa pagpirma si Presidential Son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Maraming humikayat sa Senado na aksiyunan na agad ang impeachment complaint kay Sara. Pero dahil break na ang Senado, maaring sa Hunyo 2, 2025 na ito matatalakay. Sabi ni Senate President Chiz Escudero, hindi nila ito mamadaliin. Gusto nilang mabusisi nang maayos ang mga sinampang reklamo sa Vice President.
Sabi naman ng mga eksperto, puwedeng magpatawag ng special session sa Kongreso kung gugustuhin ni President Ferdinand Marcos Jr. Sabi ni retired SC Associate Justice Antonio Carpio, maaring mag-convene ang Senado at ipagpatuloy ang impeachment trial ni Sara.
Pero matigas naman ang pasya ni Escudero na hindi magkakaroon ng special session ang Senado. Isa pa, ayon kay Escudero, hindi naman special si Sara para humirit ng special session. Ayon kay Escudero, hindi special ang posisyon ng Vice President, at maging ang Chief Justice.
Pero makatatanggi ba ang Senado kung sakali at humirit ng special session ang Presidente para sa impeachment ng VP? Dapat maging handa rin ang Senado at baka magkaroon ng special session sa impeachment.
Mas mabuti kung ipagpapatuloy na ang impeachment trial kaysa paabutin pa ng Hunyo 2, 2025. Matagal pa ang Hunyo at nararapat nang marinig ng taumbayan ang paglilitis. Tiyak maraming tututok sa impeachment trial.
Sa press briefing ni Sara noong Biyernes, sinabi niya na matagal na silang nakahanda ng kanyang lawyers para sa impeachment. Preparado na raw sila mula pa noong Nobyembre 2024. Inaasahan na raw niya ang pag-impeached sa kanya.
Yun naman pala at matagal nang nakahanda ang kampo ng VP kaya walang dapat ikabahala kung ipagpapatuloy na ang impeachment trial.
Kung matutuloy ang impeachment trial, sana maging makatwiran ang mga senador na tatayong huwes. Hindi sana mahaluan ng political biases ang paglilitis. Katotohanan ang nararapat manaig at wala nang iba.