Mayaman sa mga kuwentong-bayan ang Pilipinas. Ito ang kabang- yaman ng ating panitikan. Dito nasasalamin ang naging buhay ng ating mga ninuno.
Ang panahon ng kuwentong bayan ay kinabibilangan ng mga (a) kuwentong- bayan,(b) kantahing- bayan (c)karunungang bayan, at isinasama rin dito ang (d) bulong.
a. Kuwentong bayan- batay sa artikulong isinulat ni D. Damiana Eugenio na kilala sa larangan ng Folklore sa Pilipinas, ang “Legends and Folklores” na binasa niya sa Ateneo University noong tag-init ’79, tatlo ang mahahalagang pangkat ng mga kuwentong bayan ( folk narratives): ang (1)mito, (2)alamat at(3) salaysayin (folktales)
(1) Mito- tuluyang pagsasalaysay ma itinuturing na totoong nagaganap sa lipinang iyon noong mga panahong nagdaan. Pinaniniwalaan ito sapagkat tinutuan silang ito’y paniwalaan. Nasa mito ang dogma at karaniwang itinuturing na sagrado. Karaniwang kaugnay ito ng teolohiya at rituwal. Ito ang naglalahad ng ibang daigdig tulad ng langit at ilalim ng lupa. Kinapapalooban din ito ng simula ng daigdig, ng tao, ng kamatayan, ng mga katangian ng mga ibon, hayop o pisikal na kaanyuan ng lupa. Maaari rin itong kuwentong tungkol sa mga diyos at diyosa.
Halimbawa: Mito ng mga Maranao “Ang Pinagmulan Nitong Daigdig”
(2) Alamat- Ang mga tuluyang pagsasalaysay na kaiba sa mito sapagkat itinuturing ang alamat na titii ng mga nagkukuwento at ng mga nakikinig. Higit na una ang mito kaysa alamat. Masasabing katulad ng daigdig ngayon ang daigdig ng alamat hindi ito itinuturing na sagrado. Tao ang pangunahing tauhan. Isinasalaysay naman dito ang migrasyon, digmaan at tagumpay na nagawa ng mga bayani, hari o datu at ng mga sumunod na nagungulo sa bayan. Nabibilang dito ang ang tungkol sa mga natatagong kayamanan, mga santo, mga engkanto at mga multo.
Nahahati sa dalawa ang pangkati ng mga alamat: ang mga tinatawag na (a) etiological o mga nagpapaliwanag na mga alamat na sumasagot sa tanong na kung paano pinangalanan ang mga bagay o pook at kung bakit nagkaganoon at sa (b) non-etiological na nauukol sa mga dakilang tao at sa mga pagpaparusa ng malaking kasalanan. Kasama rin dito ang tungkol sa mga alamat ng santo, mga supernatural na nilikha tulad ng aswang, tikbalang, engkantado, multo at mga ibinaong kayamanan.
Halimbawa: Ang Alamat ng Ilog- Cambinlew
Ang Alamat ng Adjong
Ang Alamat at mga Milagro ng Nuestra senora del Pilar o Fort Pilar sa Lungsod ng Zamboanga.
(3) Salaysayin- maaaring pabula, mga kuwentong engkantado, mga kuwentong panlinlang, katusuhan, kapilyuhan o katangahan at iba pa.
Kabilang dito ang iba’t ibang kuwento tungkol kay Juan. Hindi lahat ng kuwento kay Juan ay ang katamaran, may iba’t ibang Juan sa mga salaysayin sa iba’t ibang pook. Kung palabasa ng mga kuwentong bayan ang mga taga-ibang bansa, mapapansing ang mga kuwentong Juan ay nakakatulad ng mga kuwentong Indones o Malayo.
B. Kantahing Bayan
Ang kantahing bayan ang oral na pagpapahayag ng damdamin ng mga katutubo. May iba’t ibang uri ito batay sa iba’t ibang okasyong pinaggagamitan ng mga ito. May mga para sa pagpapatulog ng mga sanggol na tinatawag na oyayi, may sa pamamangka na kilala sa tawag na soliranin o talindaw, may diona o awiting pangkasal, may kumintang o awit pangdigma, may kundiman o awit ng pag-ibig at iba pa.
C. Karunungang- bayan:
Bugtong o palaisipan
Binubuo ng mga parirala o pangungusap na patula at patalinghaga ang mga bugtong at palaisipan. Iba’t ibang bagay ang ginagawa ng bugtong ng mga ninuno. Mga bagay na nakikita araw- araw sa kanilang kapaligiran, mga bagay na may malaking kaugnayan sa kanilang buhay
Halimbawa:
Munting palay,
Pinuno ang buong bahay (ilaw)
Dala mo, dala ka
Dala ka ng iyong dala (sinelas)
D. Bulong
Ginagamit na pangkukulam o Pange-engkato ang tinatawag na bulong. Ang halimbawa nito’y ang sinasabi kapag may nadaanang punso sa lalawigan na pinaniniwalaaang tinitirhan ng mga duwende o nuno.